📷 PCO
Inihayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Huwebes na masigasig nang gumagalaw ang pamahalaan para sa pagsasakatuparan ng mga programang waste-to-energy (WTE) na posibleng maipatupad bago sumapit ang taong 2027, bilang solusyon sa malalang problema sa basura at pagbaha sa bansa.
Isinagawa ng Pangulo ang pahayag matapos ang inspeksyon sa Tripa de Gallina Pumping Station sa Pasay City—ang pinakamalaking pumping station na pinangangasiwaan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ayon sa Pangulo, nakapagsimula na ang Department of Energy (DOE) sa proseso ng auctioning para sa mga naturang proyekto.
“So, nagbi-bid na sila tungkol doon sa waste-to-energy project. Mas medyo mabilis naman ‘yan, at ‘yung waste-to-energy it should be…. As long as the financing is fixed and is available, I think we will be able to put those into action by next year,” pahayag ni PBBM.
Unang iniulat ng DOE na pormal na nilang binuksan ang pagpaparehistro para sa Qualified Suppliers noong Mayo 25, 2026 para sa Special Auction Round for WTE sa ilalim ng Green Energy Auction Program. Nakalaan sa auction na ito ang 230-megawatt capacity na gagamit ng thermal combustion WTE technology.
Bukod sa pagbuo ng kuryente mula sa basura, binigyang-diin din ng Pangulo ang paggamit ng mga nabubulok na basurang organic upang gawing abono o compost.
“Lahat ng organic waste nagagamit. It is all of the other inorganic waste that is being thrown into our systems. ‘Yan ang — diyan tayo nagkakaproblema,” dagdag pa ng Pangulo.
Sa ginanap na inspeksyon, ipinakita rin sa Pangulo ang ilang produktong gawa mula sa mga nakalap na basura, tulad ng maliliit na paso na gawa sa bunot ng nangka at niyog. Gayunpaman, inamin ng Punong Ecutibo na marami pa ring basura ang kailangang idiretso sa mga landfill.
Nagpaalala rin si PBBM sa publiko kaugnay ng tamang pagtatapon ng dumi at basura matapos biruin ang mga kakaibang gamit na nakukuha sa mga pumping station.
“Ang biro nga nila is that kung kukunin mo lahat ng lumalabas na basura, puwede kang magbuo ng bahay dahil mayroong mga kitchen sink, may mattress tayong nakita, kung ano-ano ‘yung tinatapon… Kaya’t kailangan natin tugunan ‘yung problema sa basura,” aniya.
Umasiste sa Pangulo sa naturang inspeksyon sina MMDA Chairman Romando Artes, MMDA General Manager Nicolas Torre III, at Pasay City Mayor Imelda Calixto-Rubiano.