Paiigtingin ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang Responsableng Panonood (RP) Program, lalo na sa mga guro at magulang.
Ito ay kasunod ng insidente ng pamamaril sa Ateneo De Zamboanga University.
Ayon kay MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto, nakikiisa sila sa pagluluksa sa dalawang mag-aaral na nasawi sa insidente.
Suportado rin aniya ng MTRCB ang panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magsulong ng mga hakbang para masiguro ang kaligtasan ng mga bata, online man o offline, gayundin ang panawagan ng Presidential Communications Office sa mga media outlet na maging maingat at responsable sa pag-uulat hinggil sa pamamaril sa eskuwelahan.
Sa ilalim ng RP Program, itinuturo sa mga magulang at bata ang responsableng viewing habits at ang maingat na paggamit ng social media, online platforms, streaming services, at iba pang digital content.
Hinihikayat naman ng MTRCB ang mga magulang na alamin ang mga application na ginagamit ng kanilang mga anak, magtakda ng screen time, at maging mapagmatyag sa mga pag-uugali ng mga bata na senyales na nakapanood sila ng nakababahalang contents. | ulat ni Diane Lear