Aktibong binabantayan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagsunod ng mga kumpanya sa EPR Law sa pamamagitan ng pag-audit sa kanilang recovery rates upang matiyak ang compliance.
Ito ang siniguro ni Communications Usec Claire Castro, kasunod ng mga pagbahang naranasan sa iba’t ibang bahagi ng bansa, bunsod ng mga naipong basura, na karaniwang kinabibilangan ng plastic packaging.
Ang EPR Act ay nagsisilbing carrot and stick mechanism kung saan obligado ang mga producer na bawiin at i-recycle ang kanilang plastic packaging wastes.
“Pero sa nakita po natin siguro mas dapat pang ma-monitor ang mga ginagawa ng mga kumpanya.” -Castro.
Ayon kay Castro, ang DENR, nakapag-issue na ng 155 show cause letters sa enterprises na kinakitaan ng hindi pagtupad sa kanilang EPR obligations.
Nitong 2024 aniya, ang audited recovery rates ay umabot sa 59.98% para sa rigid plastics; 56.33% para sa flexible plastics na mas mataas sa legal target na 40%.
“Ang mga nakatakdang target para sa mga susunod na taon ay: sa taong 2023, 20 percent; 2024, 40 percent; 2026, 60 percent; at 2028, 80 percent. So, kapag hindi nag-comply bibigyan po sila at papatawan ng penalty.” -Castro.
Babala ng Palasyo, mayroong milyong pisong halaga ng multa ang naghihintay para sa mga hindi makakatalima sa itinatakda ng batas.
“Sa mga kumpanyang hindi makaka-recover ng kanilang plastic wastes, footprint o hindi makakasunod sa mga requirement ng batas ay nahaharap sa mga multimillion peso na multa.” -Castro. | ulat ni Racquel Bayan