Pinalagan ni Akbayan Party-list Representative Perci Cendaña ang umano’y patuloy na personal na pag-atake sa kanya, kabilang ang paggamit sa kanyang medical condition upang siya ay tuksuhin at gawing katatawanan.
Ito ay matapos kumalat online ang isang caricature na umano’y tumutukoy sa kanyang kondisyon, na bahagi aniya ng mga pag-atakeng natatanggap niya mula sa ilang online trolls.
Ayon kay Cendaña, bilang public official ay bahagi ng kanyang trabaho ang pagtanggap ng kritisismo at public scrutiny, ngunit may hangganan ang mga ito.
Iginiit ng mambabatas na hindi katatawanan ang kapansanan at hindi ito dapat gamitin upang laitin, hiyain o i-dehumanize ang isang tao.
Bilang stroke survivor, sinabi ni Cendaña na hindi lamang para sa kanyang sarili ang kanyang pagtutol, kundi para rin sa iba pang stroke survivors at Persons with Disabilities na nakararanas ng katulad na pambabastos.
Nagbabala rin ang mambabatas sa mga online page, influencer at indibidwal na naglalathala o nagpapalaganap ng naturang mga materyal.
Kinokonsulta na aniya niya ang kanyang mga abogado hinggil sa posibleng legal na hakbang laban sa mga responsable.
Nilinaw naman ni Cendaña na bukas siya sa lehitimong kritisismo at public scrutiny, ngunit hindi aniya niya palalampasin ang mga pag-atakeng nauuwi sa harassment, pamamahiya at diskriminasyon. | ulat ni Kathleen Forbes