Inilunsad ng Sangguniang Barangay 11 sa Lucena City ang Digital Barangay System, na layong gawing mas mabilis, episyente at accessible ang mga serbisyo para sa mga residente.
Ang nasabing barangay ang kauna-unahan sa buong Quezon na naglunsad ng nasabing system.
Ayon kay Kapitan Peter Daleon, kabilang sa mga pangunahing feature nito ang online request at tracking ng barangay clearance at iba pang dokumento, na maaaring bayaran gamit ang GCash at iba pang e-wallet.
May digital database din para sa mga residente, negosyo at alagang hayop, pati e-Sumbong para sa mga reklamo at ulat ng insidente sa barangay.
Maaari ring makita online ang mga minutes ng pagpupulong, resolusyon at ordinansa ng barangay.
Ayon sa pamunuan ng Barangay 11, libre munang gagamitin ang system hanggang katapusan ng 2026.
Simula 2027, magbabayad ang barangay ng 60 thousand pesos kada taon para rito.
Maa-access ang Digital Barangay sa pamamagitan ng mobile application o website, habang may libreng Wi-Fi rin sa Barangay Hall para sa mga residente.