Suportado ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang panawagan ni dating Surigao del Norte 2nd District Representative Robert Barbers na i-ban ang mga “foreign state-sponsored malign influence campaigns.”
Sa gitna ito ng pakikipagsagutan ng Chinese Embassy sa mga opisyal ng Pilipinas gaya kina Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. at Philippine Coast Guard Spokesperson for the West Philippine Sea, Rear Admiral Jay Tarriela.
Ayon kay AFP Spokesperson for the West Philippine Sea (WPS) at Navy reservist Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, ang pagtatanggol sa WPS ay hindi lamang pakikipaglaban sa karagatan at himpapawid ginagawa rin ito sa digital world.
Partikular aniyang ginagawa ang Foreign Malign Influence (FMI) sa pamamagitan ng mga organisadong online proxy account, mapanglinlang na media outlet, at psychological manipulation.
Ginagawa aniya ito upang paghiwalayin ang mga Pilipino, sirain ang tiwala ng publiko sa national security institution, hubugin ang pananaw ng publiko, at bigyang katuwiran ang mga iligal nilang gawain sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.
Dahil sa mga negatibong epekto ng mga gawaing ito, binigyang-diin ni Trinidad ang kahalagahan kung bakit nais ng AFP na kilalanin ang Foreign Malign Influence (FMI) bilang isang banta sa pambansang seguridad.