Nananatili ang committment ng Philippine National Police (PNP) na protektahan at pangalagaan ang kalikasan mula sa sinumang nagtatangkang wasakin ito.
Iyan ay makaraang papurihan ni PNP Chief, Police Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang pinaigting na kampaniya ng Police Regional Office 6 laban sa illegal logging at illegal fishing.
Batay sa ulat ni PRO-6 Director, Police Brig. Gen. Randulf Tuaño, papalo sa 1,234 indibidwal ang kanilang naaresto habang humigit-kumulang ₱78 milyong pisong halaga ng mga likas yaman at kagamitan ang kanilang nasamsam mula May 22 hanggang August 15, 2026.
Sa illegal fishing, aabot sa 928 indibidwal ang naaresto habang nasa mahigit ₱1.27 milyong halaga ng mga isda at mahigit ₱74 na milyong halaga ng mga kagamitan ang nasamsam buhat sa 537 ikinasang operasyon.
Aabot naman sa mahigit ₱2.30 milyong halaga ng mga troso at mineral, habang mahigit ₱460,000 naman ng uling ang nasamsam na nagresulta sa pagkakaaresto ng 306 indibidwal sa 772 ikinasang operasyon.
Tiniyak ng PNP Chief na kanilang paiigtingin ang mga naturang hakbang sa ilalim ng kanilang Enhanced Managing Police Operations (EMPO).