Bukas ang Philippine National Police (PNP) na magbahagi ng kanilang mga kaalaman at kakayahan sa mga dapat gawin sa sandaling may mangyaring hindi inaasahan sa mga paaralan gaya ng mga naitalang karahasan kamakailan.
Ito’y ayon sa PNP makaraang ipagpaliban ng Department of Education (DepEd) ang Nationwide Simultaneous School Safety Drill for Active Attack Incidents na dapat sana’y isasagawa ngayong araw.
Sa halip, inilipat ito ng kagawaran sa unang linggo ng Setyembre dahil bukod sa maraming paaralan ang hindi pa rin nakakapag-face-to-face classes, bahagi na rin ito ng tugon sa pangamba ng ilang grupo hinggil sa epekto nito sa mga estudyante.
Ayon kay PNP Spokesperson, Police Col. Allen Rae Co, kaisa sila sa layuning palakasin ang kamalayan ng mga estudyante, guro at iba pang tauhan ng paaralan upang mapaghandaan ang iba’t ibang scenario.