Bumaba ang bilang ng mga pamilyang Pilipino na nakaranas ng gutom sa nakalipas na tatlong buwan ayon sa Second Quarter 2026 Social Weather Survey ng SWS.
Sa naturang survey, lumalabas na nasa 20.3% ang bilang ng mga pamilyang nakaranas ng involuntary hunger noong Hunyo, na mas mababa sa 23.2% hunger rate noong Marso.
Partikular na bumaba ang hunger rate sa Metro Manila, Balance Luzon, at Visayas kung saan pinakamalaki ang ibinaba sa Visayas na mula 28% noong Marso ay bumaba sa 22.3% noong Hunyo.
Samantala, tumaas naman ang hunger rate sa Mindanao sa 24% noong Hunyo.
Bumaba rin ang hunger rate sa mga pamilyang nagsasabing sila ay mahirap, mula 27.5% sa 24.5% maging sa mga pamilyang itinuturing ang kanilang sarili na food-poor ay bumaba rin ang hunger rate mula 32.6 sa 29.9%.
Isinagawa ang survey mula June 20-June 29 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 indibidwal na may edad 18 pataas.