Mayorya ng mga Pilipino ang nakararamdam na sila ay ligtas sa kanilang mga komunidad, batay sa July 2026 Tugon ng Masa (TNM) Survey ng OCTA Research.
Sa naturang survey, lumalabas na 72% ng mga Pilipino ang nagsabing ligtas sila sa kanilang komunidad. Nasa 68% naman ang nagsabing hindi sila natatakot maglakad nang mag-isa sa gabi, habang 54% naman ang hindi nag-aalala na mapapasok ng mga magnanakaw ang kanilang bahay.
Pinakamataas ang porsyento ng mga nakakaramdam na ligtas sa Visayas, na umabot sa 84%, habang pinakamababa naman sa National Capital Region (NCR), na nasa 58%.
Kung ikukumpara rin sa resulta noong Marso 2023, bumaba sa buong bansa ang antas ng kumpiyansa sa lahat ng tatlong safety indicators.
Ayon sa OCTA, ang malaking pagbaba ng confidence sa Metro Manila ay maaaring may kaugnayan sa mas mataas nilang exposure sa mga balita at social media tungkol sa krimen, na maaaring makaapekto sa pananaw sa seguridad kahit hindi direktang sumasalamin sa aktwal na antas ng panganib.
Samantala, ang mas matatag na pananaw sa seguridad sa Visayas ay maaaring may kaugnayan sa tuloy-tuloy at nakikitang presensya ng mga lokal na pulis at community-based mechanisms na tumutulong mapanatili ang kumpiyansa ng publiko.
Isinagawa ang survey mula July 4 to 11, 2026, sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 respondents.