Iniutos na ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa Inspectorate and Enforcement Office ng Department of Agriculture (DA) at Bureau of Plant Industry (BPI) ang imbestigahan sa umano’y smuggling ng carrots, broccoli, at iba pang gulay partikular sa Cordillera.
Kasunod ito ng monitoring operations sa Baguio City at La Trinidad, Benguet, kung saan nadiskubre ang bentahan ng imported o pinaghihinalaang puslit na broccoli kasabay ng mga lokal na ani.
Sa ulat ng DA-Cordillera nitong October 15, tatlong puwesto sa Baguio Hangar Market ang nagtitinda ng imported na broccoli. Sa isa sa mga pwesto, may nakitang kahon na gawa sa styrofoam na may markang “Product of China” at ibinebenta sa halagang ₱170-₱250 kada kilo.
Giit naman ni Sec. Tiu-Laurel, titiyakin nitong mapapanagot ang mga nasa likod nito lalo kung mapatunayang may paglabag sa Anti-Agricultural Economic Sabotage Law.
Inirekomenda na ng DA-Cordillera ang magkasanib na inspeksyon ng DA-Inspectorate and Enforcement Office (DA-IE) at BPI sa mga pangunahing sentro ng kalakalan sa Metro Manila, CALABARZON, at Central Luzon.

