Nakatakdang muling buksan sa publiko ang makasaysayang Coconut Palace matapos ang gaganaping 49th ASEAN Leaders’ Summit sa Nobyembre, ayon sa Government Service Insurance System (GSIS).
Ayon kay GSIS Acting Executive Vice President Atty. Joseph Phillip Andres, kasalukuyang pinag-aaralan ng ahensya ang pagpapahintulot sa publiko na muling makapasok at makabisita sa bagong restored na pasilidad, kasama ang posibilidad ng pagpataw ng entrance fee. Gayunpaman, ang panukalang ito ay nakadepende pa sa pormal na pag-apruba ng GSIS Board of Trustees.
Paliwanag ni Andres, bagamat libreng nabibisita ang Coconut Palace noong araw, planong singilin ng bayad ang mga gagamit nito para sa mga pribadong okasyon, espesyal na booking, at mga eksklusibong kaganapan.
“Ang pananaw ng GSIS para sa Coconut Palace pagkatapos ng ASEAN ay muli itong mabuksan sa publiko upang ma-enjoy ng lahat ang ganda, sining, at kahusayan ng malikhaing kaisipang Pilipino,” pahayag ni Andres.
Ang Coconut Palace, na pagmamay-ari ng GSIS, ay sumailalim sa malawakang restorasyon bilang paghahanda sa nalalapit na ASEAN Summit, kung saan magsisilbi ito bilang isa sa mga opisyal na venue ng naturang pulong ng mga pinuno sa Timog-Silangang Asya.
Ipinatayo noong 1978, ang iconic landmark na ito na matatagpuan sa Pasay City ay idinisenyo ni Francisco “Bobby” Mañosa, na kalaunan ay iginawad bilang Pambansang Alagad ng Sining para sa Arkitektura. Kilala ang gusali sa natatanging arkitekturang Pilipino at sa malawakang paggamit ng mga materyales mula sa puno ng niyog, na nagpapakita ng mayamang sining at pamana ng bansa.