Tumangging husgahan ng Palasyo si Bulacan Governor Daniel Fernando hinggil sa umano’y kawalang kabatiran nito sa ₱41 bilyong pisong ipinondo sa kanyang probinsiya para sa flood control.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, wala naman kasing turn- over sa LGU ng mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa nakaraan.
Kahit nga mismo si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sabi ni Castro ay nalaman na lang mula sa isang barangay official sa Bulacan na ang mga proyekto ng DPWH ay hindi inire-report sa LGU.
Kung hindi pa aniya nagkaroon ng inspeksyon ang Pangulo ay hindi makikita ang ganitong mga pagkukulang at pang-aabuso.
Dahil dito ay hindi aniya mahuhusgahan si Governor Fernando dahil malamang ay hindi talaga naibibigay sa kaniya ang mga detalye tungkol sa flood control sa kanyang nasasakupan.