Binigyang-diin ni Cabinet Secretary Benhur Abalos Jr. ang importansiya ng nutrisyon at maayos na pamamahala ng basura sa mga komunidad.
Sa pagdalo ng kalihim sa 2026 Island Cluster Conference ng League of Municipalities of the Philippines (LMP) ay ibinahagi nito ang kanyang mga karanasan bilang dating alkalde ng Lungsod ng Mandaluyong.
Ayon kay Abalos, dalawang pangunahing usapin ang direktang nakaaapekto sa kalagayan ng bawat komunidad at ito ay ang sapat at wastong nutrisyon gayundin ang may kinalaman sa proper waste management and disposal.
Mahalaga aniyang matutukan ng mga lokal na pamahalaan ang mga ito upang mapabuti ang kalidad ng buhay ng kanilang mga nasasakupan.
Sa kanyang mensahe sa mga alkalde, binigyang-diin rin ni Abalos ang kahalagahan ng konkretong pagkilos at pagtutulungan ng national at local government upang matugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng mga Pilipino.