Nagsalita na ang dating Commander ng Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG) na si Col. Raymund Lachica.
Ito’y makaraang paulit-ulit na banggitin sa Impeachment Trial kahapon ng dating Special Disbursing Officer ng Office of the Vice President (OVP) na si Gina Acosta si Lachica na pinag-abutan ng Confidential Funds ng Pangalawang Pangulo noong 2022.
Sa pahayag na ipinadala ni Lachica, sinabi nito na hindi kailanman siya tumanggi na humarap at maglahad ng testimoniya sakaling siya’y ipatawag ng Impeachment Court.
Nakahanda aniya siyang ilahad ang katotohanan, salig sa mga umiiral na batas at limitasyong pangseguridad.
Una rito, sinabi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nananatiling “attached” pero “unassigned” si Lachica sa Philippine Army.
Ayon kay Col. Francel Margareth Padilla, ni-relieve sa puwesto si Lachica noong October 4 ng nakalipas na taon kasabay na rin ng paggulong ng imbestigasyon ng Ombudsman hinggil sa naturang pondo. Dahilan, ayon kay Padilla, upang itigil na ng AFP ang sarili nitong imbestigasyon para bigyang-daan ang Ombudsman kung saan may kasong katiwalian si Lachica.
Kasunod nito, tiniyak din ni Padilla na handa nilang iharap si Lachica sa sandaling ipatawag ito ng constitutional bodies kabilang na ang Impeachment Court.