Isinusulong ng Pilipinas ang konkretong hakbang para tugunan ang mga bagong hamon sa paggawa sa ASEAN.
Ito ay matapos humingi si Labor Secretary Francis Tolentino ng suporta mula sa Thailand para sa apat na labor initiatives na pinangunahan ng Pilipinas, sa bilateral meeting nila ni Thai Minister of Labour Julapun Amornvivat nitong August 26.
Kabilang sa mga priority ng Pilipinas ang labor market at social resilience; patas, etikal, at sustainable na recruitment; labor inspection sa fishing sector; at occupational safety and health sa informal economy.
Hiningi ng Pilipinas ang suporta ng Thailand para ma-endorso ang mga ito sa 29th ASEAN Labour Ministers’ Meeting (ALMM) at Related Meetings.
Tinalakay din ng dalawang opisyal ang ratipikasyon ng ILO Convention No. 193 para sa decent work sa platform economy, kabilang ang mga manggagawa sa ride-hailing, delivery, freelancing at iba pang digital platforms.
Napag-usapan din ang posibleng kooperasyon sa aquaculture development at workers’ rehabilitation. Ibinahagi ng Thailand ang karanasan nito sa pagtatayo ng rehabilitation centers at inimbitahan ang mga opisyal ng Pilipinas na bisitahin ang kanilang mga pasilidad habang naghahanda ang Pilipinas ng sariling workers’ rehabilitation center.
Pinalakas din ang kooperasyon sa skills development, kabilang ang suporta ng Pilipinas sa panukalang ASEAN Center of Excellence for Skills Certification.
Binati ni Secretary Tolentino ang Thailand sa pag-upo nito bilang Chair ng ALMM, Senior Labor Officials Meeting (SLOM), at SLOM Working Group, at tiniyak ang patuloy na pakikipagtulungan ng Pilipinas sa pagsusulong ng ASEAN labor agenda.
Bahagi ito ng pagsisikap ng administrasyong Marcos na palakasin ang regional cooperation at gamitin ang shared expertise upang mapabuti ang mga programa at serbisyo para sa mga manggagawang Pilipino.
Layunin ng Pilipinas na gawing mas responsive ang ASEAN labor cooperation sa nagbabagong workplaces at emerging employment challenges, habang pinapalakas ang proteksyon at oportunidad para sa mga manggagawa sa buong rehiyon.