Dapat lamang na maibestigahan sakaling totoo na mayroong mga politiko na umano’y nakakatanggap ng suporta mula sa China, upang mapalakas ang operasyon at interes ng Beijing sa West Philippine Sea (WPS).
”Ang issue na ito ay matagal na po itong napapansin actually mayroon po tayong ibibigay na isang UST journ student at nabanggit ko na rin po ito sa inyo noon kung saan may mga Chinese links social media network pushing anti-Philippine, pro-Duterte content.” -Castro
Ayon kay Communications Undersecretary Claire Castro, posibleng mayroong hawak na report si Defense Secretary Gibo Teodoro, dahilan kung bakit nasabi ng kalihim na mayroon silang mga pinaghihinalaang elected officials na umano’y tumatanggap ng financial support sa China.
“Since sinabi niya iyan, most probably mayroon na po siyang kaunting report. Pero, hayaan po natin si Secretary Gibo, ang magbigay ng anumang detalye patungkol diyan. Unless, bibigyan niya po tayo ng karapatang magsiwalat ng mga detalye patungkol diyan.” -Castro
Mainam aniya na bago isiwalat ang pangalan ng mga opisyal na ito, hindi dapat magpadalos-dalos sa paglalabas ng pangalan, bagkus, dapat maisailalim muna ito sa masinsinang imbestigasyon.
Ang paalala ni Castro sa mga Pilipino, iisa lamang ang bansa at dapat nagkakaisa ang tindig ng publiko, pagdating sa usapin sa WPS at sa pagsusulong ng interes ng mga Pilipino.
“Unang-una po, isa lang po ang bansa natin – iyan po ang madiing sinabi ng ating Pangulo sa SONA. Isa lang ang bansa natin, hindi po tayo dapat nagkakaroon nang pagkakahiwa-hiwalay ng opinyon at suggestion patungkol sa ating karapatan sa West Philippine Sea o anumang parte ng ating bansa. Dapat nating ipaglaban ang lahat ng interes ng bansa pati na ng taumbayan, ng mga Filipino.” -Castro
Hindi aniya dapat na magpagamit ang sino man sa ano mang bansa, para lamang manatili sa pwesto, lalo’t mahirap kung ang mga lider na nakaupo sa posisyon ay hawak ng ibang bansa.
”Hindi po dapat na magpagamit sa ibang bansa para lang manatili sa puwesto. Mahirap po na ang maging lider natin ay hawak ng ibang bansa dahil ibang naratibo at ibang interes ang palalawigin ng mga politiko na hawak ng ibang bansa.” -Castro