Pinangunahan ni Philippine Air Force Commanding General, LtGen. Arthur Cordura ang Acceptance, Turnover habang sinaksihan din nito ang pagbabasbas sa pitong (7) bagong S-70i Black Hawk helicopters.
Ito ang huling batch ng mga Black Hawk helicopters na binili ng PIlipinas bilang bahagi ng Horizon 2 ng AFP Modernization Program sa ilalim ng Republic Act 10349.
August 3 nang dumating ang huling pitong (7) Black Hawk units mula sa kabuuang 47 na natanggap ng Pilipinas buhat pa noong 2024.
Ipinagmalaki pa ni Cordura na tanging ang Pilipinas ang may pinakamalaking fleet ng Black Hawk hindi lamang sa Asya kundi sa buong mundo.
Pagmamalaki pa ng Air Force Commanding General, brand-new ang mga tinanggap na unit na gawa ng Polish company na PZL Mielec.
Sa panayam sa Villamor Air Base, sinabi ni 205th Tactical Helicopter Wing commander BGen. Gilberto Esteban Jr. na swak ito para sa demand ng isang arkipelago.
Sa kapasidad na 16-20 katao at four-blade rotor system, kaya ng Black Hawk ang multi-role operations pang humanitarian assistance, disaster response, medical evacuation, personnel transport at iba pang kritikal na misyon.
Nakatakdang i-deploy ang bagong Black Hawk sa lahat ng tactical operations group sa buong bansa, kasama na sa Palawan na siya namang gagamitin sa pagpapatrolya malapit sa West Philippine Sea.