Pinaalalahanan ngayon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang lahat ng operator ng mga cockpit arena na tiyaking sila ay sumusunod sa mga regulasyon ng ahensya.
Kasunod ito ng ikinasang operasyon katuwang ang National Bureau of Investigation (NBI) sa 11 cockpit arena kung saan natuklasan ang nasa 297 betting machines, computerized betting units, servers, at iba pang device na walang Permit to Use (PTU) at wala sa BIR records.
Agad na sinelyuhan o kinumpiska ang mga equipment, alinsunod sa umiiral na mga patakaran.
Ayon kay BIR Commissioner Charlito Martin R. Mendoza, kailangang tiyakin ng mga operator ng mga sabungan na rehistrado sa BIR ang mga makinang ginagamit sa pagtatala ng betting transactions.
Target ng BIR na palawakin pa ang operasyon sa buong bansa at inatasan na nito ang lahat ng Revenue Regions at Revenue District Offices, na tukuyin at beripikahin ang mga operating cockpit arena sa kanilang nasasakupan.