Planado na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagpapatuloy ng konstruksyon sa mga natenggang proyekto sa mga floodgates, pumping stations, pag-aayos sa mga nasirang dike, at pagpuno sa mga gaps o putol-putol na bahagi ng mga flood wall.
Pinag-aaralan na rin ang pagpapatupad ng mga dam detention basin, at river master plan bilang pangmatagalang solusyon sa taon-taong suliranin ng mga residente sa mga mababang lugar at mga coastal areas sa bansa.
Sinabi ni DPWH Secretary Vince Dizon na ilan lamang ito sa agarang aksyon matapos nilang nag-aerial inspection ni Pangulong Bongbong Marcos sa mga binahang lugar sa Bulacan at Pampanga.
Nais aniya ng Pangulo ang agaran at pangmatagalang solusyon sa problema ng pagbaha, sa pamamagitan ng pagtutulungan ng mga ahensya ng gobyerno lalo na sa panahon ng sakuna at kalamidad.