Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko na maaari pa ring magkasakit ng leptospirosis kahit walang sugat kung na-expose sa baha.
Nakakamatay ang nasabing sakit at maaaring mahirap gamutin kapag hindi agad naagapan.
Ayon sa DOH, hindi kailangang may sugat upang magkaroon ng leptospirosis.
Aniya, maaaring makapasok ang Leptospira bacteria sa katawan sa pamamagitan ng mata, ilong, bibig, o maliliit na sugat sa balat kapag lumusong sa bahang kontaminado ng ihi ng infected na hayop.
Kung lumusong sa baha, may sugat man o wala, magpakonsulta agad sa pinakamalapit na health facility o YAKAP Clinic upang malaman kung kailangan ng doxycycline prophylaxis.
Kapag nakaranas ng mga sumusunod na sintomas, agad na magpakonsulta:
✅ Lagnat
✅ Pananakit ng ulo at katawan
✅ Paninilaw at pamumula ng mata
✅ Paninilaw ng balat o jaundice
Babala pa ng DOH: Huwag basta-bastang uminom ng doxycycline. May mga taong hindi ito maaaring gumamit, kabilang ang mga buntis, nagpapasuso, at mga batang walong taong gulang pababa. Kumonsulta muna sa doktor.