Umabot na sa humigit-kumulang 13,000 indibidwal ang kasalukuyang na-profile bilang mga benepisyaryo ng programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (TUPAD), ayon sa opisyal ng Bureau of Workers with Special Concerns (BWSC) noong Martes.
Sa isang panayam ng #MarkInMarkOut sa Radyo Pilipinas, kinumpirma ni Leilani Reynoso, direktor ng Department of Labor and Employment (DOLE) – BWSC, na may kabuuang 13,709 na indibidwal ang kasalukuyang nagtatrabaho sa ilalim ng emergency employment project ng kagawaran.
“Batay sa datos noong Brigada Eskwela at sa mga lugar na naapektuhan ng kalamidad, humigit-kumulang 13,709 na indibidwal ang kasalukuyang na-profile bilang mga benepisyaryo ng TUPAD,” pahayag ni Reynoso.
Ibinahagi rin ng opisyal na nakikipag-tulungan ang TUPAD sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan tulad ng:
- Department of Education (DepEd): Pagtulong sa paghahanda ng mga paaralan tuwing Brigada Eskwela.
- Department of Social Welfare and Development (DSWD): Pag-e-repack ng relief goods at pag-alalay sa mga aktibidad ng Kadiwa ng Pangulo.
- Department of Environment and Natural Resources (DENR): Pagpapadala ng mga manggagawa para sa tree planting activities.
Ayon kay Reynoso, nakabase ang sahod ng mga benepisyaryo sa umiiral na minimum wage na imumultiply sa bilang ng araw na kanilang ipinagtrabaho. Ang tagal ng programa ay naglalaro mula 10 hanggang 90 araw.
Binigyang-diin din ng DOLE na pinahahalagahan nila ang kaligtasan ng mga manggagawa sa pamamagitan ng pagbibigay ng personal protective equipment (PPE), boots, guwantes, at mga batayang gamot upang maiwasan ang anumang aksidente o panganib habang nagtatrabaho.
Bukas ang programa sa mga miyembro ng vulnerable sector at sa mga nawalan ng pangkabuhayan dahil sa mga kalamidad. Maaaring makipag-ugnayan ang mga interesadong aplikante sa Public Employment Service Office (PESO) ng kanilang lungsod o munisipalidad.
Nilinaw naman ni Reynoso na ang TUPAD ay isang cash-for-work program at hindi basta “ayuda” lamang mula sa pamahalaan.
Nagsimula ang TUPAD bilang emergency employment program noong panahon ng Bagyong Ondoy upang magbigay ng agarang tulong sa mga nasalanta, at mula noon ay naging opisyal na itong programa sa paggawa ng DOLE