Sumasailalim na sa importation process ng Bureau of Customs (BOC) ang ikatlong 8-car Electric Multiple Unit trainset para sa North-South Commuter Railway (NSCR) matapos itong dumating sa bansa kahapon.
Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni “Banoy” Lopez, nakatakdang dalhin sa Malanday Depot sa Valenzuela City ang bagong dating na trainset para sa Malolos-Tutuban segment sa sandaling makumpleto na ang pagpoproseso.
Kasunod nito, tiniyak din ni Lopez na nananatiling on track ang konstruksyon ng NSCR na makakatulong mapabilis ang biyahe ng mga komyuter.
Binigyang-diin pa nito na dumaan sa masusing inspeksyon ang mga trainset para masigurong ligtas at maayos itong magagamit ng mga pasahero.
Ang bagong dating na trainset ay binili mula sa Japan Transport Engineering Company at Sumitomo Corporation na bahagi ng Contract Package 03.
Samantala, inaasahang darating sa bansa ang isa pang trainset para sa NSCR sa October ng taong kasalukuyan.
Target naman ng DOTr na masimulan ang partial operations ng NSCR para sa rutang Valenzuela hanggang Malolos, Bulacan sa 4th quarter ng 2027.
📸 DOTr

