Suportado ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang pakikipagtulungan ng pamahalaan sa pribadong sektor para mas mailapit sa mga Pilipino ang abot-kayang serbisyong medikal.
Ito ay kasunod ng pormal na paglagda sa Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at St. Luke’s Medical Center (SLMC) na nasaksihan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Taguig City nitong Martes, August 25.
Makakatuwang din dito ang DSWD sa pagtugon sa pangangailangan ng mga Pilipinong nahaharap sa krisis sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS), kabilang ang pagbibigay ng tulong para sa mga gastusing medikal.
Ayon kay DSWD Sec. Gatchalian, mahalaga ang pakikipag-partner sa mga pribadong institusyon para mapalawak ang abot ng mga programa tulad ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) at Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Sa ilalim ng kasunduan, tutulungan ng PhilHealth at SLMC ang mga kwalipikadong miyembro na masulit ang kanilang healthcare benefits, kabilang ang No Co-Payment Policy at Zero Balance Billing.
Patuloy naman umanong palalakasin ng DSWD ang mga cross-sector partnership para mapunan ang mga kakulangan sa social protection at medical assistance sa mas maraming mahihirap na Pilipino.
📸 DSWD

