Inilunsad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang dalawang bagong teknolohiya—ang smart traffic poles at isang mobile application—bilang bahagi ng patuloy na proyekto sa pagpapaluwag ng trapiko sa pakikipagtulungan sa Japan International Cooperation Agency (JICA).
Tinalakay ang mga inisyatibang ito sa ginanap na 3rd Joint Coordination Committee meeting para sa Capacity Enhancement on Traffic Management with Improvement of Intelligent Transportation Systems for Metropolitan Manila (MMITS) sa punong tanggapan ng MMDA sa Lungsod ng Pasig. Dumalo sa pagpupulong ang mga kinatawan mula sa 17 lokal na pamahalaan (LGU) ng Metro Manila, mga pambansang ahensya, at sektor ng akademya.
Ayon kay MMDA Chairperson Romando Don Artes, layunin ng proyekto na palakasin ang kakayahan ng ahensya sa pagpaplano ng intelligent transportation systems (ITS) at sa pamamahala ng datos sa transportasyon.
“Ang mga kakayahang ito ay mahalaga upang matulungan kaming tumugon sa mga umuusbong na hamon sa trapiko sa kalakhang Maynila at sa pagbuo ng isang mas pinag-isa at data-driven na sistema ng pamamahala sa trapiko,” pahayag ni Artes.
Kabilang sa mga pilot project ang:
- Smart Pole Implementation Plan: Pagkakabit ng iba’t ibang uri ng sensor sa mga umiiral na poste ng MMDA sa isa hanggang dalawang napiling interseksyon upang mangolekta at magsuri ng datos sa trapiko at kapaligiran.
- “Lakbay Points” Mobile App: Ang nagwaging aplikasyon mula sa “Bagong Gawi, Bagong Galaw” Mobile Application Challenge na binuo ng koponan mula sa Cagayan State University. Kasalukuyan nang pinag-uusapan ang pagbuo nito at ang posibleng integrasyon sa mga umiiral na sistema ng mga LGU at pambansang ahensya.
Bukod dito, pinag-usapan din sa pagpupulong ang patuloy na pagpapabuti sa mga Waze dashboard, ang pagbuo ng Road DX System bilang integrated platform para sa datos at visualization, at ang redevelopment ng traffic data platform.
Sa susunod na anim na buwan, nakatuon ang proyekto sa pagbuo ng ITS Development Plan, ang pisikal na pagpapatupad ng smart poles, at ang patuloy na pakikipag-ugnayan sa nagwaging koponan ng mobile app.
Pinuri naman ni JICA Senior Representative Takanori Morishima ang tagumpay ng proyekto na bunga ng pakikipagtulungan ng MMDA, mga kasamang ahensya, LGU, at JICA, habang binigyang-diin ni MMDA Deputy Chairperson Usec. Frisco San Juan Jr. ang kahalagahan na maihanay at maipatupad nang maayos ang mga priority project sa pang-araw-araw na operasyon ng pamamahala sa trapiko.
Ang proyektong MMITS ay bahagi ng Five-Year Action Plan for Traffic Management 2023-2027 na nag-ugat sa nakaraang Technical Cooperation Project ng JICA noong 2019 hanggang 2022.