Nagpatawag na ng command conference si Health Secretary Edwin Mercado sa Department of Health (DOH) hospitals, upang palakasin ang ugnayan para sa patient navigation sa iba’t ibang ospital.
Pahayag ito ni Communications Undersecretary Claire Castro, sa gitna ng mga naitatalang Leptospirosis cases sa bansa, bunsod ng mga naranasang pag-ulan at pagbaha.
Ayon kay Castro, nakikipagtulungan na ang DOH Operation Center sa San Lazaro upang mai-refer ang mga pasyente sa iba pang ospital sa Metro Manila.
Sa kasalukuyan, 33 DOH hospitals sa Metro Manila, Region I, II, III at CAR ay mayroong activated Leptospirosis fast lane o express lane.
Para ito sa agarang pagtugon sa mga pasyenteng nangangailangang magpa-ospital.
“Tinitiyak din sa pamamagitan ng surge capacity management na sapat ang mga kama o bed capacity at gamot para sa mga pasyenteng kailangang i-admit.” -Castro
Habang ang lahat ng DOH hospitals, health centers, at YAKAP clinic ay handang tumanggap ng mga pasyente na nangangailangan ng check-up matapos sumuong sa baha.
“So, bigyan po natin muli mamaya malamang ay magbibigay kami ng update kung ano na po ang nangyari sa pagpupulong na ito para mabigyan namin kayo kung ano pa ang mga ospital na maaaring makipagtulungan para magampanan ang kanilang tungkulin sa mga pasyente na nagsa-suffer ng leptospirosis.” -Castro