Photo courtesy of Manila LGU
Inatasan ni Manila City Mayor Isko Moreno ang ang mga health center worker na magsagawa ng door-to-door na pag-iikot upang hanapin ang mga residenteng posibleng na-expose sa baha at may sintomas ng leptospirosis, sa halip na hintaying sila ang magpunta sa health centers.
Sa ngayon, meron 197 na kaso ng leptospirosis sa Maynila, habang lima (5) na ang namatay.
Ayon sa alkalde, inaasahang tataas pa ang bilang ng posibleng tamaan ng leptospirosis dahil nangyari ang mga pagbaha noong ikalawang linggo ng Agosto at ngayon pa lang inaasahan na maglalabasan ang sintomas.
Paalala ng alkalde, bantayan ang mga sintomas gaya ng lagnat, matinding sakit ng ulo, pananakit ng kalamnan, at pamumula ng mga mata. Agad na magpatingin at iwasang mag-self-medicate.
Pinayuhan ng alkalde na agapan ang sakit at kung maaari ay lumiban muna sa trabaho para matiyak ang buhay kaysa sa pera
Mayroon nang 389,000 doxycycline capsules ang lungsod, mula sa 51,000 na natitira noong Agosto 24. Kabilang dito ang 40,000 kapsula mula sa private sector at 300,000 mula sa Department of Health.
Libre aniya ang doxycycline sa 44 health centers at pitong district hospitals ng Maynila para sa mga na-expose sa baha, kahit wala pang sintomas.