Masinsin ang ginagawang pagsusuri ng Philippine National Police (PNP) Forensic Group sa mga butong nakuha mula sa Taal Lake, kaugnay ng kaso ng mga nawawalang sabungero.
Ayon kay PNP Forensic Group Director Police Brigadier General Pierre Paul Carpio, patuloy ang pagsusuri sa mga buto gamit ang DNA examination, anthropology, at X-ray.
Patuloy din ang pagtanggap ng karagdagang specimens mula sa operasyon ng Philippine Coast Guard at Regional Forensic Unit 4A.
Sinabi ni Carpio, na hindi maaaring agad maglabas ng resulta dahil kailangang suriin at i-match ang bawat specimen bago makabuo ng kumpletong forensic findings.
Batay sa naunang pagsusuri ng forensic group, nasa higit 1,000, sa humigit kumulang 2,000 butong kolekta sa Taal ang natukoy na human remains.