Tiniyak ng Malacañang na hindi papatawarin at patas na papanagutin ang sinumang miyembro ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) at Bureau of Customs (BOC) na mapapatunayang nagkasala o nang-abuso sa kontrobersyal na insidente sa Santa Maria, Bulacan.
Sa isang press briefing sa Malacañang, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na nakipag-ugnayan na sila ukol sa usapin kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr.
“Nakausap natin mismo si General Nartatez at iyan ang isa sa kanilang tinitingnan dahil kung mayroon mang pang-aabuso nga diumano, kung mayroon man ay kinakailangan silang managot,” pahayag ni Castro.
Binigyang-diin pa ng opisyal na walang sinumang mapapatunayang may pagkakasala ang makaliligtas sa parusa, kabilang na ang posibleng pagpapatalsik sa serbisyo.
“So, hindi hahayaan na ang mga tao na involved kung mayroon man silang kasalanan ay hindi mananagot. So, kailangan silang managot, kung dapat na matanggal sa posisyon ay dapat gawin,” dagdag pa niya.
Inihayag din ni Castro ang buong kumpiyansa ng Palasyo na kayang isagawa ng PNP at BOC ang isang epektibo, patas, at walang kinikilingang imbestigasyon laban sa kanilang mga tauhan.
Sa kasalukuyan, patuloy ang imbestigasyon ng PNP habang pormal nang sinibak sa kanilang mga pwesto (relieved from their posts) ang mga sangkot na tauhan ng HPG upang magbigay-daan sa malayang pagsisiyasat.
“Hindi hahayaan ng dalawang ahensiya na sa kanilang parehong panig ay magkaroon ng mga hindi kanais-nais na mga personnel,” ani Castro. “So, kung mayroon man silang pagkakasala at mayroong pang-aabuso na naganap at nagawa dapat lamang nila itong panagutan.”
Nagmula ang kontrobersya sa mga ulat na biglang pumasok at nanggulo ang mga tauhan ng HPG sa pasilidad ng BOC sa Santa Maria, Bulacan habang isinasagawa ang opisyal na pagwasak sa mga nasamsam na smuggled na sigarilyo.