Tiniyak ng Malacañang nitong Martes na kumikilos ang pamahalaan upang matugunan ang pagdami ng mga pasyenteng may leptospirosis sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI), na umabot na sa full bed capacity.
Sa Palace press briefing, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na patuloy na nakatutok si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kalusugan ng mga Pilipino.
“Alam naman natin na isa sa pinakamahalaga at tinututukan ng Pangulo ang kalusugan,” diin ni Castro.
Sinabi ni Castro na alam ni Department of Health (DOH) Secretary Edwin Mercado ang sitwasyon at inaasahang gagawa ng mga kinakailangang hakbang upang agad na matugunan ang pangangailangan ng mga pasyente, lalo na ang mga may leptospirosis.
“Kaya alam din ng Secretary ng DOH kung ano ang dapat na gawin para mas mabilis na matugunan ang mga pangangailangan ng ating mga kababayan, lalong-lalo na doon sa mga nagsa-suffer ng leptospirosis,” ani Castro.
Ayon kay Castro, handang tumulong ang Philippine General Hospital (PGH) sa NKTI kung kinakapos ito sa mga kama o espasyo.
“Nagkaroon ang PGH ng statement na sila ay tutulong kung kinakapos ng espasyo o bed capacity ang NKTI,” pagtitiyak ni Castro.
Maaari ring ilipat sa PGH ang mga pasyenteng walang leptospirosis upang magkaroon ng karagdagang espasyo sa NKTI para sa mga nangangailangan ng espesyal na gamutan.
“Kung ang mga pasyente na hindi naman nagsa-suffer ng leptospirosis, maaari naman silang lumipat sa PGH. So, makikipagtulungan ang PGH sa NKTI,” pahayag ni Castro.
Sinabi ng Palasyo na layunin ng koordinasyon ng mga pampublikong ospital na matiyak na patuloy na makatatanggap ng agarang serbisyong medikal ang mga pasyente, lalo na sa gitna ng pagtaas ng kaso ng leptospirosis kasunod ng malawakang pagbaha at matinding pag-ulan. | PND