Nananatiling mataas ang kumpiyansa ng mga lokal at dayuhang mamumuhunan sa Pilipinas at sa pamumuno ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa isang press briefing sa Malacañang noong Martes, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro na binigyang-diin ni Executive Secretary Ralph Recto na ang patuloy na pagtitiwala ng investors ay patunay ng matatag na ekonomiya ng bansa.
Ayon kay Castro, sumasalamin dito ang sunod-sunod na pagpapatibay ng magandang credit rating ng Pilipinas mula sa dalawang kilalang pandaigdigang financial institution.
Noong Agosto 21, pinagtibay ng Japan-based credit rating agency na Rating and Investment Information, Inc. (R&I) ang “A-investment grade rating” ng bansa. Sundan naman ito noong Agosto 24 nang panatilihin ng Moody’s Ratings ang investment-grade rating ng Pilipinas sa “Baa2”.
“Dalawang boto ito ng kumpiyansa sa Pilipinas,” pahayag ni Executive Secretary Recto.
Paliwanag ni Castro, ang pagkakaroon ng mataas na investment-grade rating ay malaking tulong upang mabawasan ang gastos sa pag-utang ng pamahalaan. Dahil sa mas mababang financing cost, mas maraming pondong maialok para sa pagpapatayo ng mga silid-aralan, ospital, kalsada, at iba pang imprastraktura na direktang pakikinabangan ng mamamayang Pilipino.
Bukod dito, isinabay rin sa magandang balita ang kapansin-pansing pagbaba ng poverty incidence sa bansa.
Batay sa huling datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), bumaba ang poverty incidence rate mula 15.5 porsyento noong 2023 tungo sa record low na 9.7 porsyento ngayong 2025. Nangangahulugan ito na humigit-kumulang 6.5 milyong Pilipino ang nakahagpos sa hirap.
Tiniyak naman ng Palasyo na patuloy na pangangalagaan ng pamahalaan ang mga tagumpay na ito sa pamamagitan ng pagpaparami ng mga pamumuhunang naglilikha ng trabaho, pagpapataas ng sahod, pagpapababa ng presyo ng mga bilihin, at pagprotekta sa mga mahihirap na pamilya laban sa anumang pagsubok sa ekonomiya.
Matutunghayan sa Moody’s affirms PH investment grade credit rating video ang opisyal na pahayag ng Palasyo hinggil sa pagpapatibay ng mga credit rating agency sa ekonomiya ng bansa.