Naglaan ang Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng aabot sa P220-M na special financial assistance mula sa Office of the President para matugunan ang agarang pangangailangan ng mga komunidad na naapektuhan ng pagbaha.
Sa Palace press briefing nitong Martes, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na nasiyahan ang Pangulo sa naging tugon ng pamahalaan sa kasagsagan ng masamang panahon sa Central Luzon.
“Satisfied naman ang Pangulo sa naging pagtugon ng pamahalaan noong kasagsagan ng sama ng panahon sa Central Luzon,” ani Castro.
“Namahagi si Pangulong Marcos Jr. ng aabot sa 220 million special financial assistance mula sa Office of the President na gagamitin upang tugunan ang pangangailangan ng mga binahang residente,” dagdag ni Castro.
Tumanggap ng tig-P30-M ang mga pamahalaang panlalawigan ng Pampanga, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Tarlac at Zambales.
Samantala, tig-P15-M ang ipinagkaloob sa mga bayan ng Calumpit at Hagonoy sa Bulacan, habang P10-M naman ang inilaan sa Aurora.
Gagamitin ang ayuda upang matulungan ang mga lokal na pamahalaan na tugunan ang agarang pangangailangan ng mga residenteng naapektuhan ng pagbaha at maipagpatuloy ang mga hakbang sa pagtugon sa kalamidad. | PND