File Photo
Inaprubahan ng Kamara sa ikalawang pagbasa ang panukalang magpapalakas sa proteksiyon ng mga manggagawa laban sa mga bagong panganib sa workplace o lugar ng paggawa, kabilang ang climate-related hazards.
Layon ng House Bill 10559 na isama ang mga hakbang para sa matinding init, pabago-bagong panahon at iba pang climate risks sa workplace safety programs.
Ayon kay House Committee on Labor and Employment Chair Jolo Revilla hindi dapat maging kapalit ng trabaho ang buhay o kalusugan ng isang manggagawa.
Paalala pa niya na kung nagbabago ang panganib, dapat nagbabago rin ang paraan ng pangangalaga at pagprotekta.
“Hindi dapat maging kapalit ng kabuhayan ang kalusugan. Hindi dapat maging kapalit ng trabaho ang buhay. At hindi dapat kailanman mangyari na ang isang manggagawa ay kailangang mamili sa pagitan ng pagkita para sa kanyang pamilya at pagprotekta sa kanyang sarili,” diin ni Revilla.
Iginiit din niya ang mas mabigat na pananagutan sa mga employer na sadyang nagbabalewala sa mga safety violations at panganib na maaaring humantong sa malubhang pinsala o pagkamatay.
Nilinaw naman ni Revilla na tanging willful o grossly negligent violations sa occupational safety standards ang target parusahan ng panukala.
Magpapalakas din aniya nito ang research mandate ng Department of Labor and Employment para matukoy ang mga bagong occupational hazards na dulot ng pagbabago sa workplace, kapaligiran at klima.