Binigyang-diin ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na wala nang “allocables” at hindi na ginamit ang parametric formula sa pagbuo ng panukalang 2027 budget ng ahensya.
Tugon ito ni Dizon sa interpelasyon ni ACT Teachers Party-list Representative Antonio Tinio kaugnay ng ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) tungkol sa umano’y paggamit ng “leadership fund” at “allocables” sa nakalipas na mga taon.
Ayon kay Dizon, sa halip na dating formula, ibinatay ang 2027 DPWH budget sa mga proyektong pina-prioritize mismo ng mga distrito at rehiyon.
Sinabi ni Dizon na 80% ng mahigit 11,000 proyekto sa panukalang budget ay may endorsement mula sa Regional Development Councils (RDCs).
Aniya, malaking pagbabago ito kumpara sa mga nakaraang budget kung saan nasa 25% hanggang 30% lamang ng mga proyekto ang may RDC endorsement.
Giit ng kalihim, ang bagong sistema ay nakatuon sa aktuwal na pangangailangan ng mga distrito at rehiyon at hindi na nakabatay sa mga dating formula.