Inilunsad ng Department of Education (DepEd) – Disaster Risk Reduction and Management Service (DRRMS), sa pakikipagtulungan sa E-CAIR at SEAMEO INNOTECH, ang LIGTAS+—isang bagong AI-powered platform na naglalayong tiyakin ang kaligtasan ng mga paaralan sa buong bansa laban sa mga natural na kalamidad.
Layunin ng LIGTAS+ ay alinsunod sa atas ni Pang. Ferdinand R. Marcos Jr. na tugunan ang paulit-ulit na pagsasara ng mga paaralan taon-taon dahil sa iba’t ibang peligro, na nagdudulot ng malaking banta sa pagkatuto ng milyun-milyong mag-aaral at nagpapalawak sa edukasyonal na agwat sa bansa.
‘From Space to School’: Mabilis at Tumpak na Data sa Tulong ng AI
Pinagsasama-sama ng platform ang data mula sa iba’t ibang satellite at siyentipikong ahensya upang magbigay ng tinatawag na “school-level risk view” para sa higit 47,000 pampublikong paaralan sa Pilipinas.
Ilan sa mga pangunahing teknolohiyang ginagamit nito ay:
- Himawari-9 IR: Nagbibigay ng impormasyon ukol sa ulap bawat 10 minuto.
- Sentinel-1 SAR: Nakakakita ng active flooding kahit sa gitna ng kadiliman at makapal na ulap.
- 3 AI Weather Models: Nagbibigay ng 10-day weather forecasts.
- PHILVOCS Feeds: Nakatutok sa intensity ng lindol at aktibidad ng anim (6) na aktibong bulkan, kabilang ang ashfall modeling.
Sa pamamagitan ng AI processing engine, napa-process ang datos hanggang sa antas ng bawat paaralan at na-u-update ito bawat anim (6) na oras.
Isang Platform, Lahat ng Impormasyon
Sa ilalim ng LIGTAS+, isang screen lamang ang kailangan upang makita ang buong peligro sa kapaligiran:
- Live Map: Mapa ng bawat paaralan na na-u-update ng AI bawat 6 na oras.
- School Search: Mabilis na pag-access sa risk profile ng alinmang paaralan.
- Situation Reports: Awtomatikong pagbuo ng one-page hazard briefing para sa alinmang lugar.
- Hazard Exposure: Nag-aalok ng 9 na hazard views para sa mga tagapamahala.
Aksyon para sa Bawat Antas ng DepEd
Bukas ang platform para sa lahat ng empleyado ng DepEd na may opisyal na DepEd email—mula sa Central Office, Schools Division Offices, hanggang sa mga School Head at guro. Sa pamamagitan nito, madaling mapaplano ang mga risk tier (Extreme, High, Medium, at Low).
Mayroon din itong Learning Outcomes Overlay na nagpapakita kung saang mga lugar naaapektuhan ng mga sakuna ang pagtuturo ng kurikulum, upang mas mabilis na matukoy at maaksyunan ang banta ng learning loss.
Magagamit ang platform sa pamamagitan ng pag-login sa ligtas.deped.