Bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyaking walang Pilipinong magugutom sa panahon ng kalamidad, walang humpay pa rin ang pagpapaabot ng food assistance ng DSWD sa mga pamilyang naapektuhan ng mga nagdaang pagulan at pagbaha.
Batay sa pinakahuling tala ng DSWD, umabot na sa 2,129,989 family food packs o FFPs ang naipamahagi sa mga lugar na naapektuhan ng Bagyong Luis, Maymay, Neneng at habagat kung saan pinakamalaki ang nailaan sa Central Luzon na higit isang milyong FFPs.
Bukod dito, nakapamahagi na rin ang DSWD ng 14,787 non-food items at 23,508 ready-to-eat food boxes.
Kaugnay nito, patuloy rin ang pagpapadala ng mga truck ng food packs sa mga apektadong lalawigan kabilang na ang Aguilar, Pangasinan, kung saan anim na truck na may kargang 10,200 FFPs mula sa DSWD ang dumating para sa distribusyon sa mga komunidad na higit na naapektuhan ng bagyo at habagat.
Patuloy na pinaiigting ng DSWD ang prepositioning, replenishment at mabilis na paghahatid ng relief assistance upang matiyak na may sapat na suplay para sa mga pamilyang nangangailangan sa panahon ng kalamidad.