Inihayag ng Department of Agrarian Reform (DAR) na umabot na sa ₱57.76 bilyong utang ng mga magsasaka ang opisyal na na-condone o nabura sa ilalim ng Republic Act (RA) 11953, o ang New Agrarian Emancipation Act.
Sa ginanap na weekly forum ng Philippine Information Agency (PIA), sinabi ni DAR Undersecretary Rowena Taduran na agad na isinulong ni DAR Secretary Conrado Estrella III kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang ganap na pagbura sa utang ng mga magsasaka pag-upo pa lamang nito sa pwesto.
Layunin ng nasabing batas na librehin sa bayarin ang higit 610,000 agrarian reform beneficiaries (ARBs) sa buong bansa mula sa kanilang unpaid principal loans, amortizations, interes, at penalties sa Land Bank of the Philippines (LandBank), bukod pa sa exemption sa estate taxes.
“Maganda ang batas na yan sapagkat ang principal, interest at penalties sa kanilang obligasyon… ay na-condone na. Ibig sabihin nabura na po yan. Wala na silang obligasyon na bayaran pa,” ayon kay DAR Bureau of Agrarian Legal Assistance Chief Eugene Follante. Dagdag pa niya, dahil dito ay 100 porsiyento na ang pagmamay-ari ng mga beneficiaries sa lupang ipinagkaloob sa kanila.
Para naman sa mga magsasakang hindi agad nakasama sa debt condonation, ipinaliwanag ni Bureau of Land Acquisition and Distribution (BLAD) Assistant Director Manuel Nebreja na binigyan sila ng moratorium. Sa pamamagitan nito, pansamantalang ititigil ang kanilang pagbabayad ng amortization upang magamit muna ang kanilang pera bilang kapital sa pagpapalago ng produksyon sa kanilang lupa.
Pamamahagi ng e-Titles at Mga Proyekto
Bukod sa pagbura ng utang, pinalalakas din ng DAR ang iba pang mga programa para sa mga magsasaka:
- Pabilis na Pag-iisyu ng e-Titles: Mula Enero hanggang Hulyo ngayong taon, nakapamahagi na ang DAR ng 19,967 e-Titles na sumasakop sa 19,006 ektarya para sa 10,522 ARBs upang palitan ang mga dating collective titles ng indibidwal na titulo.
- Farm-to-Market Roads (FMR): Mula Hulyo 2022 hanggang Hulyo 2026, nakapagtala ang departamento ng 537 natapos na FMR projects sa buong bansa, habang may 89 na proyekto pa ang kasalukuyang ginagawa.
- Kikitain ng mga Magsasaka: Umabot na sa ₱10.6 bilyon ang kabuuang kita ng mga ARB sa buong bansa hanggang Hulyo ngayong taon sa tulong ng Partnership Against Hunger and Poverty Program (PAHP). Ipinag-uugnay ng PAHP ang higit 400 ARB organizations (ARBOs) sa mga institutional buyers tulad ng mga ahensya ng gobyerno at ospital upang matanggal ang mga middleman.
Makabagong Serbisyosa 2026
Inanunsyo rin ng DAR ang mga bagong pakikipagtuwang ngayong taon sa Development Bank of the Philippines (DBP) para sa credit programs, Philippine Coconut Authority (PCA) para sa mga magsasaka ng niyog, at Cooperative Development Authority (CDA) para sa pagpaparehistro ng mga organisasyon ng magsasaka. Nakatakda ring ipatupad ng LandBank ang credit program para sa mga magsasakang naapektuhan ng kalamidad.
Upang mapabilis naman ang pag-resolba sa mga kasong agraryo, gagamit na ang DAR ng mga digital na proseso tulad ng e-filing at electronic delivery ng mga order at resolusyon upang maiwasan ang delay sa mga malalalyong lalawigan.