Pinag-iibayo ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang tamang dokumentasyon at pangangalaga sa ebidensya sa bawat operasyon ng pulisya kasunod ng mahigit 50% pagbaba ng mga pangunahing krimen sa Metro Manila.
Batay sa datos ng NCRPO, bumaba ng 50.66% ang mga focus crime mula sa 152 insidente noong November 15 hanggang 21, 2025, at naging 75 insidente na lamang sa kaparehong panahon ngayong 2026.
Ayon kay NCRPO Acting Regional Director Police Brigadier General Christopher Abrahano, hindi lang sa dami ng naaresto, nasusukat ang pagiging epektibo ng pulisya, kundi sa kakayahang bumuo ng matibay na kasong nakabatay sa ebidensya at tatayo sa korte.
Inatasan niya ang mga yunit ng pulisya na mahigpit na sundin ang chain of custody, lalo na sa mga operasyon kontra ilegal na droga at mararahas na insidente, upang maiwasang mabasura o humina ang kaso dahil sa mga technicality.
Iginiit ni Abrahano na hindi sapat na may nahuli lamang, kundi dapat masiguro ang tamang proseso upang mapanagot ang mga lumalabag sa batas.