Asahan pa ang mas ligtas, mas episyente, at mas komportableng biyahe para sa mga Pilipino.
Ito ayon kay Communications Usec Claire Castro ay kasunod ng mga pagbabagong ipinatupad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ilang tanggapan sa ilalim ng Department of Transportation (DOTr), upang mapa-igting ang sea at land transport ng publiko.
Kung matatandaan, si dating Land Transportation Office (LTO) Assistant Secretary Markus Lacanilao, itinalaga bilang administrador ng Maritime Industry Authority (MARINA), bilang pagkilala sa performance at competence nito sa public service.
“Ang nais po ng Pangulo comfortable sea travel and goods moving faster. So since sa LTO po si dating Asec. Markus Lacanilao ay nakapag-deliver ng magandang trabaho at magandang mensahe laban sa korupsiyon so mas malaking misyon ang iniatang sa kanya ng Pangulo,” -Castro.
Pagbibigay diin ni Castro, malaking papel ang ginagampanan ng MARINA, na nangangasiwa sa industriya na kinabibilangan ng nasa 24, 000 registered ships, at 82 milyong pasahero, kada taon.
Kaugnay nito, ang appointment naman nina Noreen Bernadette San Luis-Lutey bilang bagong pinuno ng LTO, at si Jorjette Aquino bilang general manager ng Philippine National Railways (PNR) ay alinsunod din sa direskyong tinatahak ng administrasyon para sa pagpapabuti pa sa transport sector ng bansa.
Ayon kay Castro, ang pagtatalagang ito, sumasalamin sa mas malawak na reform agenda ng gobyerno, at layong pa-igtingin ang serbisyong natatanggap ng mga Pilipino.
Inaasahang magpapatatag din ito sa accountability ng mga tanggapan ng gobyerno, at mas mabilis na tutugon sa araw- araw na concern ng mga commuter at iba pang stakeholders na nasa linya ng transportasyon. | ulat ni Racquel Bayan