Hindi dapat maging batayan ang popularidad at survey ratings, gayundin ang paghingi ng simpatya sa publiko, sa magiging desisyon ng mga senator-judges sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ang iginiit nina Deputy Speakers Jay Khonghun at Janette Garin sa press conference ng House prosecution.
Ayon kay Garin, hindi popularity contest ang impeachment trial at hindi rin mabubura ng mataas na rating ang pananagutan ng sinomang mataas na opisyal na nasasakdal.
Karapatan din aniya ng bise presidente na kumuha ng simpatya mula sa publiko ngunit hindi aniya nito mababago ang mga ebidensya at dokumentong iniharap ng prosekusyon.
Dagdag naman ni Khonghun, dapat nakabatay ang paglilitis sa transparency at accountability, partikular sa pagpapaliwanag kung saan nagmula ang yaman at ari-arian ng isang opisyal.
Tiwala naman ang dalawang mambabatas na mga ebidensya at dokumento ang magiging batayan ng mga senator-judges sa kanilang pagbababa ng hatol.