Arestado na ng Philippine National Police (PNP) ang isa sa mga umano’y gunman sa pagpatay kay Lullete Jane Ramilo-De Guzman, dating public school teacher at 2013 Miss Philippines-Earth 3rd runner-up.
Nadakip ang 30-anyos na suspek ng Provincial Intelligence Unit ng Isabela Police Provincial Office noong November 23 sa Barangay San Isidro, Cainta, Rizal. Inaresto siya sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong murder, na walang inirekomendang piyansa.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief Police Brigadier General Allen Rae Co, nakasampa na rin ang kaso laban sa dalawa pang John Doe na hindi pa nakikilala ang posibleng mastermind at ang isa pang gunman.
Ipinag-utos naman ni PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. na alamin kung may iba pang sangkot sa krimen.
Matatandaang pinagbabaril ng magkaangkas sa motorsiklo ang biktima noong February 13 habang nasa loob ng kanyang sasakyan, kasama ang tatlo niyang anak, sa tapat ng kanilang bahay sa Barangay Cabaritan, San Manuel, Isabela. Nakaligtas naman sa pag-atake kaniyang tatlong anak.