Iginiit ni Executive Secretary Ralph Recto na hindi nakakaalarma ang laki ng utang ng Pilipinas.
Ayon kay Recto, nasa 65% hanggang 66% lang ng gross domestic product (GDP) ang utang ng Pilipinas, mas mababa kumpara sa maraming mauunlad na bansa gaya ng Estados Unidos at Japan na may debt-to-GDP ratio na lampas 100%.
Aniya, ang mahalaga ay mas mabilis ang paglago ng ekonomiya kaysa sa paglaki ng utang ng bansa.
Ipinaliwanag ni Recto na kabilang sa mga dahilan ng paghina ng ekonomiya ang pagsasaayos sa mga problema sa Department of Public Works and Highways (DPWH) gayundin ang kaguluhan sa Middle East na nagdulot ng pagtaas ng presyo ng langis.
Gayunman, umaasa si Recto na mas gaganda ang economic growth ngayong fourth quarter ng taon at tiniyak na magsisikap ang pamahalaan para maging maganda ang Pasko ng mga Pilipino.
Samantala, sinabi rin ng Executive Secretary na hindi na kailangan ang suhestiyon ni Senate Minority leader Alan Peter Cayetano na mag ambag ng tig-₱170,000 ang mga Pilipino para mabayaran ang utang ng bansa.
Giit ni Recto, malayo ang sitwasyon ng Pilipinas sa nangyari noong 1997 Korean Financial Crisis, kung saan nag ambag ang mga ordinaryong Koreano para maibsan ang utang ng kanilang bansa noon.