Itinutulak ni Akbayan Party-list Representative Dadah Kiram Ismula ang pagpasa ng panukalang batas na magtatatag ng national transitional justice program at commission bilang susunod na hakbang sa pagkamit ng pangmatagalang kapayapaan sa Bangsamoro.
Sa kanyang privilege speech sa Kamara, sinabi ni Ismula na hindi sapat ang pagkakabuo ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM at paglagda sa mga kasunduang pangkapayapaan.
Kailangan aniyang tugunan ang mga matagal nang kawalang-katarungan, alitan sa lupa at pagwawasto sa kasaysayan ng mga Moro, Indigenous Peoples, at Christian communities sa Mindanao.
Si Ismula ang pangunahing may-akda ng House Bill 935, kasama sina Akbayan Reform Bloc Reps. Chel Diokno at Perci Cendaña, at Dinagat Islands Rep. Kaka Bag-ao.
Punto niya, hindi magiging ganap ang kapayapaan hangga’t hindi naghihilom ang mga sugat ng nakaraan at naitataguyod ang pananagutan at pagkakasundo.
Nanawagan siya sa Kongreso na maipasa ang panukala upang matiyak na ang susunod na henerasyon ng mga Bangsamoro ay mamumuhay nang walang takot.