Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na na-monitor nito ang paglipad ng isang Chinese H-6 bomber aircraft malapit sa Luzon ngayong buwan.
Ayon kay AFP spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad (Ret)(Res), na-monitor ito sa layong 170 nautical miles mula sa Metro Manila. Habang umabot ito sa pinakamalapit na distansya na 45 nautical miles mula sa baybayin ng bansa.
Gayunman, sinabi ni Trinidad na hindi ito dapat ikabahala. Normal na patrol lang aniya ito, at walang indikasyon na nag-eensayo ito para sa isang missile strike, taliwas sa mga kumalat sa social media.
Nagsagawa na rin aniya dati ng mga ganitong overflight ang mga bomber ng People’s Liberation Army (PLA) Air Force sa Bajo de Masinloc.
Sinabi ni Trinidad na ipinapakita nito na pinalalakas ng buong PLA ang presensya nito dahil dati ay malapit lang sa mainland China ang mga patrol nito, pero ngayon ay umaabot na ito sa Pilipinas.