Nakatakdang inspeksyunin ngayong umaga ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang ilang drainage structures sa bahagi ng EDSA-Balintawak.
Ito ay bilang bahagi pa rin ng mga hakbang para mapahusay ang flood mitigation measures sa lugar.
Ang Balintawak ay itinuturing na low point kung saan nagtatagpo ang daloy ng tubig mula Caloocan, EDSA at A. Balintawak, kaya kabilang ito sa mga lugar na nakaranas ng pagbaha kasagsagan ng habagat.
Inaasahang makakasama sa inspeksyon si NLEX President Luis Reñon, gayundin ang mga opisyal ng Quezon City government, para matukoy ang mga kinakailangang hakbang para mapabuti ang daloy ng tubig at maiwasan ang pagbaha.
Layon ng inspeksiyon na matukoy ang mga posibleng solusyon at kinakailangang drainage improvements para mabawasan ang panganib ng pagbaha sa Balintawak, lalo na tuwing malakas ang pag-ulan.
Umaasa naman ang mga residente na mabibigyang-lunas na ang problema sa baha sa lugar.
Ayon kay Francis Burac, matagal na nilang nararanasan ang pagbaha na hindi lamang nakaaapekto sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay kundi maging sa kanilang kabuhayan.