Nanganganib sumabit ang isang Senior Officer ng Bureau of Fire Protection (BFP) matapos siyang pangalanan ng naarestong tauhan ng BFP na sangkot sa ‘slot-for-sale’ scheme sa naturang ahensya.
Ito ang lumabas sa inisyal na imbestigasyon ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) kasunod ng nagpapatuloy na case build-up matapos ang ikinasang entrapment operation sa Pampaga.
Ayon kay CIDG Regional Field Unit 3 Chief, PCol. Grant Gollod, gumagamit umano ng dummy Facebook account ang BFP official na may ranggong Senior Fire Officer 1 at isa-isang tinatawagan ang mga aplikante na naka-post sa page ng BFP.
Kapag may sumagot, sinabi ni Gollod na doon na umano nagsisimula ang transaksyon at pag-aalok ng “backer” kapalit ng pera.
Sa unang 4 na biktima aniya, nakakulimbat ang suspek ng tig-100 libong piso habang sa ika-5 biktima naman, kalahating milyong piso ang hiningi ng suspek subalit nagkatawaran hanggang sa bumaba sa 300 libong piso.
Dito na nagsagawa ng entrapment operation ang CIDG na nagresulta sa pagakaaresto ng suspek na ngayo’y nahaharap na sa kasong robbery-extortion na may kaugnayan sa Cybercrime Prevention Act.