Humigit-kumulang 450 na pasyente na may sakit na leptospirosis ang kasalukuyang naka-admit sa mga Department of Health (DOH) Hospital sa National Capital Region.
Ito ay ayon sa quick count na isinagawa ng Health Emergency Management Bureau ng nasabing ahensya.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay Dr. Bernadett Pua Velasco, Director IV ng DOH Health Emergency Management Bureau, sinabi nito na mula Enero 4 hanggang Agosto 22 ngayong taon ay mayroon ng naitalang 856 na kaso ng leptospirosis ang Epidemiology Bureau batay sa kanilang monitoring.
Aniya, mas mababa ito ng 66% kumpara noong 2025 sa kaparehong panahon na mayroong naitalang 2,546 na kaso ng leptospirosis.
Ani Dr. Velasco, tuloy-tuloy ang kanilang monitoring at koordinasyon sa mga DOH Hospital upang maiwasan ang dagsa ng pasyente sa iisang ospital lamang.
Sa pamamagitan din ng monitoring, napaghahandaan ng mga ospital kung sakaling mayroong ililipat na pasyente sa kanilang pasilidad.
Pagtitiyak pa ni Dr.Velasco, sapat ang mga kagamitan, suplay ng gamot, maging ang human resources upang kaagad matugunan ang pangangailangang medikal ng mga pasyente.