Malaking ginhawa ang dulot sa mga Agrarian Reform Beneficiaries, ng pagbura ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanilang mga utang, kabilang na ang obligasyon sa amortization, kasama ang principal, interest, at penalties.
Sa press conference na inorganisa ng Philippine Information Agency nitong Miyerkules, inihayag ni Department of Agrarian Reform Undersecretary Niña Taduran na lampas 56 billion ang kabuuang utang ang kinansela sa ilalim ng Republic Act 11953 o ang New Agrarian Emancipation Act.
“Nung maupo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at si Secretary Conrado M. Estrella III, ang sabi ni Secretary, ‘Boss, hindi lang nagtatapos doon sa pamamahagi ng lupa at pagbibigay ng support services ang dapat nating ibigay sa ating mga magsasaka,” ayon kay Usec. Taduran.
Samantala, nilinaw ng DAR na mananatili pa rin ang obligasyon ng mga benepisyaryo na magbayad ng taunang amilyar—na makakatulong naman sa mga local government unit
Paliwanag naman ni DAR Director Eugene Folante, dahil wala na ang obligasyon sa amortization, maaari nang gamitin ng mga magsasaka ang dati sanang ipambabayad sa utang bilang kapital sa pagpapaunlad ng sakahan, na ipinagkaloob sa kanila ng pamahalaan.