Tututukan na rin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagtatayo ng mga water detention facilities sa Metro Manila bilang bahagi ng mga hakbang upang matugunan ang problema sa pagbaha.
Sa budget briefing ng ahensya, iminungkahi ni Parañaque Representative Brian Yamsuan na isama sa pipeline ng DPWH ang mga naturang pasilidad na magsisilbing imbakan ng tubig-ulan upang hindi agad mapunta ang malaking volume ng tubig sa mga waterways.
Maaaring naman aniya gamitin para rito ang mga open spaces, basketball courts, at iba pang lugar, gaya ng mga detention facility na ginagamit sa ibang bansa.
Pagtiyak ni DPWH Secretary Vince Dizon na prayoridad na ng departamento ang pagtatayo ng water detention facilities, matapos mismo itong iutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang bahagi ng mga hakbang para matugunan ang pagbaha.
Ayon kay Dizon, isa sa pinakamalaking hamon ang right of way, lalo na sa Metro Manila kung saan limitado na ang mga lugar na maaaring paglagyan ng malalaking detention facility.
Kaya kailangan aniyang maging mas creative ang DPWH sa paghahanap ng mga lugar, kabilang ang paggamit ng mga open space, parke at iba pang maaaring gawing imbakan ng tubig.