Kinilala ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang bansa sa Timog-Silangang Asya ang patuloy na kampanya ng Presidential Communications Office (PCO) laban sa disimpormasyon sa social media, sa ginanap na Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) workshop sa lungsod na ito.
Sa gitna ng talakayan ukol sa ‘Minimizing the Negative Impacts of Digital Transformation in Traditional Media’, binigyang-diin ni PCO Assistant Secretary for Private Media Arthur Los Banos ang mga kongkretong hakbang ng pamahalaan ng Pilipinas upang sugpuin ang pagpapakalat ng maling impormasyon.
Ayon kay Los Banos, pormal na inilunsad ang inisyatibo noong Marso 4 sa pamamagitan ng paglagda sa isang Memorandum of Understanding (MOU) kasama ang siyam na pangunahing pahayagan sa bansa. Lalo pang pinatibay ang mekanismong ito noong Abril 13 nang makipagwangis-kamay ang PCO sa Department of Justice (DOJ) at Department of Information and Communications Technology (DICT) upang palakasin ang pagsubaybay, imbestigasyon, at pag-uusig sa mga nagpapakalat ng huwad na balita.
“Bukod sa pagpapatupad ng batas, pinapalakas din natin ang kakayahan ng publiko na kritikal na magsuri at maglimbag ng wastong impormasyon sa pamamagitan ng mga pagsasanay para sa mga guro, mamamahayag, at tagapagbalita ng pamahalaan,” pahayag ni Los Banos.
Kasong Kriminal laban sa Fakes News Accounts
Kasabay nito, ibinunyag ng PCO na inendorso na nito sa National Bureau of Investigation (NBI) ang walong Facebook account at isang website na umano’y sangkot sa sadyang pagpapakalat ng disimpormasyon.
Kabilang sa mga inihain para sa imbestigasyon noong Agosto 13 ang isang Facebook page na nagpapanggap bilang satiriko o mapagpatawang plataporma ng balita, pati na rin ang isang website na naglabas ng pekeng anunsyo ukol sa ₱30,000 medical assistance program ng Department of Health (DOH).
Binalaan ng PCO ang publiko na ang sadyang paggawa at pagpapakalat ng huwad na balita ay malinaw na paglabag sa Artikulo 154 ng Revised Penal Code, na may mas mabigat na parusang kriminal kapag ginamitan ng teknolohiya sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act of 2012.
Tiniyak ng ahensya na patuloy nitong babantayan at isusumite sa NBI ang mga kaso ng disimpormasyon, lalo na ang mga banta sa pampublikong kaligtasan, pambansang interes, at mga programa ng gobyerno.
Ang dalawang araw na ASEAN workshop, na inorganisa ng Ministry of Information ng Cambodia at nilahukan ng walong kasaping bansa, ay nagtapos ngayong araw, Agosto 27.